Magandang gabi sa inyo
aking mga kamag-aral at instruktor. Pagbati mula sa kaibuturan ng aking puso
para sa inyo aking mga tagapakinig. Aking hiling na sana'y inyong maibigay ang
ilang minuto ninyo para sa akin.
Aminin na natin,
kadalasan hindi natin nakakasundo ang ating mga magulang. Tayo bilang mga
makabagong kabataan na babago ng kapalaran ng mundo, ay may sarili ng
paninindigan, gawi, dahilan, paraan, pag-iisip at pagkatuto sa mga bagay na
nangyayari sa atin at sa paligid natin. Kung tutuusin ay maari nang sabihing, kaya
na natin ang ating mga sarili. Malalaki at matatanda na tayo.” Kasama
ng pagdaloy ng dugo sa ating mga ugat ay ang pagdaloy ng salitang diskarte. Kaya
na natin ang mamuhay ng malayo sa ating mga magulang. Marami na ang nagkalat na
kung ano- anong bagay na nagbibigay sa atin ng mga ideya ng mga bagay na ni
hindi hinagap ng ating mga magulang na ating kayang gawin na. Dahil nga
malalaki at matatanda na tayo. Sa oras ng maraming katanungan ay kay Google
tayo lumalapit. Kung tayo nama’y gutom sa fastfood chains ang tuloy, kung saan
hindi tatagal ang paghihintay sa pagpawi ng ating nararamdamg kahinaan. Sa
panahong tayo’y may pangangailangan, nanjan si Internet, lalong-lalo na kung
ang usapan ay mga gawain pang-eskwela. Mapa-research ba iyan o thesis pa. Halos
lahat na ng mga bagay na noon ay mahirap gawin, ngayon ay sobrang dali na sa
tulong ng mga makabagong imbensyon na ipinapalaganap sa bawat sulok ng mundo. May
sagot tayo sa bawat katanungan at subok ng buhay, dahil kay dali na ng buhay.
Kay raming ng bagay na sa atin ay tumatambad na ating kay daling nalalaman at
nabibigyan ng katugunan. Ang natatanging natitirang mahirap isipin at gawin ay
ang paghingi ng allowance at pagsustento sa mga bagay na sa atin ay mahalaga, na
galing sa ating mga magulang. Marami pa munang paghahanda sa pandinig ang
kailangan bago tuluyang makamtan ang inaasam-asam. Dahil dito, ang ating mga
magulang ang kadalasang nagiging kontrabidang ang tanging nais ay hadlangan ang
kaligayahan ng bidang tayo rin at ang ating mga gusto sa kwentong ating
binubuo. Sila ang kabaliktaran ng kagustuhan natin.
Sobrang kay laki ng pagitan
ng kaisipan natin sa kaisipan nila tungkol sa halos lahat ng bagay. Kaibigan.
Pananamit. Teknolohiya. Pagkain. Musika. Istilo. Palabas na pelikula. Palabas
sa telebisyon. Paaralan. Oras ng pagtulog. Grado sa eskwelahan. Pangarap. Oras
ng pag-uwi. Lugar na gagalaan. Pag-iisip. Pag-ibig. Iniisip at kung anu-ano
pang mas maraming bagay. Mabuti na lamang ay hindi kasama sa mga napapagtalunan
kung ano ba ang nauna sa manok at itlog. Kung pati iyon ay nasasama sa mga
pinagtatalunan ng mga magulang at anak, nako, masyadong malaki na ang problema
ng mundo dahil ang mga bagay na hindi na dapat iniintindi ngunit binibigyan pa
din ng pansin. Sadyang hindi magtagpo at nagtatagpo ang ating nais at gusto sa
gusto nila. Sobra silang makaluma na mahirap ibaba ang ating lebel at ibalik sa
panahon nila dahil sa sobrang dami na ng pagbabago sa mundo. Marami nang mga
bagay na nagpapadali ng ating mga gawain, ngunit ang nais nila’y gawin pa din
ito sa makalumang paraan. Iniisip natin na dapat sila ang sumabay sa mabilis at
makabagong takbo ng mundo, hindi yung sila pa ang may ganang magalit dahil sa
bilis at nito at pilit pinapabagalan upang makasunod sa gusto nila at sila’y
sabayan.
Ngunit sila ba talaga’y
sadyang makaluma? O tayo ang nagiging makitid mag-isip? Sila ba ang kontrabida?
O tayo ang sadyang nagpipilit na sila ang gawing kontrabida na sa katotohanan
ay sila pala ang magiging matalik na side kick sa isang kwento ng magiting na bayani?
Baka naman hindi lang natin iniintindi na sila pala ang tulong sa likod ng kurtina
na naghihintay lamang tawagin lalo na kapag ang lahat ng inaasahan ay pumalpak.
Marahil siguro ay masyado
lang tayong nag-iisip ng negatibo tungkol sa ating mga magulang. Masyadong lang
tayong malala mag-isip ng kung anu-ano sa kanila na akala natin sila ang
pipigil sa ating mga natatago at marubdob na ninanais at minimithi sa ating buhay.
Kumbaga parang nag-suot tayo ng sunglasses na lahat ng kulay ng mundo ay
tinatabunan at ginagawang iisang kulay. Kung kulay itim ang lens ng salamin ay
puro may bahid na ng itim ang ating nakikita. Dahil sa ang pagtingin natin sa
ating mga magulang ay may bahid na ng pagiging kontrabida, akala natin sila ay
totoo ngang kontrabida na sa ating buhay simula hanggang sa dulo. Kapag ganoon
ang kaisipan natin sa ating mga magulang, kahit ano pang kagandahang gawin nila
para sa atin hinding hindi mawawala sa atin na pag-isipan sila ng masama o kung
ano pa man. Kailangan bigyan sila ng pagkakataon na maipakita nila ang kanilang
totoong kagustuhan sa atin nang hindi sila nahuhusgahan sa simula. Panghuhusga
ang tawag sa pag-iisip sa isang tao na may gagawin na siyang masama wala pa man
o kaya naman ay hindi na pagtitiwala sa mga mangyayari.
Ang kailangan lang ay
magkaroon ng pagkakaintindihan at pagtutulungan katulad ng parating sinasabi ng
Wonderpets. Katulad lang ng kapag tayo ay may sinisinta. Sa lahat ng oras kailangan
kausap. Sa lahat ng oras kailangan nagkakaintindihan upang mas mapaganda at mas
mapalalim ang relasyon. Mas tumagal, mas tumatatag. Ang may problema din kasi
minsan ay tayo. Ang tingin nating sa ating mga magulang ay ATM machine. Lalabasan
ng pera kung kailan kailangan natin at kung kalian nanghingi. Instant. Ngunit
hindi iyon ang gusto nila. Kailangan din maibigay natin bilang mga anak ang
nais nila, hindi lang sila ang nagbibigay. Natatandaan ko ang sabi ng tatay ko
sa kapatid ko, “Tandaan mo, relasyon yan, kailangan bigyan ng halaga,kailangan
i-work out.” Kailangan hindi lang isa ang nagbibigay, dapat sabay. Kung may
inaasahan man tayo galing sa ating mga magulang, may inaasahan din sila galing
sa atin. Hindi maaring sila lang ang nagbibigay at tayo ang tanggap ng tanggap.
Hindi ganon yon.
Isa pa sa dahilan kung
bakit tayo ay hindi magandang relasyon sa ating mga tahanan ay dahil sa akala
natin ay kaya na natin ang lahat ng bagay. Lahat ng naisin nating gawin at
kunin at malaman ay nakukuha natin sa makabagong teknolohiya ngayon. Isang
halimbawa na lamang ay sa mga gawaing pampaaralan. Lahat ng mga kailangan natin
ay nakalahad na sa screen ng laptops at computers, hindi na kailangan pang
magpaturo sa mga magulang ng mga bagay bagay sa mga asignatura, si Google na
ang bahala don. Hindi na kailangan pa magpaluto ng pagkain kay Mama, may 8-Mcdo
naman. Pwede na magpadeliver. Instant na masarap pa. Tandaan, hindi lahat ng
madali ay maganda. Minsan madali nga, mahirap naman. Paano yon? May mga bagay
na madali makuha at hindi na kailangan pa pagpaguran, pero ang maaring
kalabasan o resulta nito ay hindi magbibgay ng magandang bunga para sa atin.
Minsan ang mga akala natin ay mali pala at kabaliktaran ito sa katotohanan. Hindi
lang talaga sila nabibigyan ng pagkakataon na ipakita ang tunay nilang gusto
para sa atin at hindi tayo nagpapakita ng kung ano ang nararamdaman natin para
sa kanila. Maaari kasi tayong maging tampulan ng katatawanan sa barkada. Kung tutuusin,
bakit natin iisipin ang maaring sabihin ng iba? Sila ba ang ang nagbibigay ng
ating baon para isipin kung ano ang opinion nila para sa mga bagay-bagay? Di ba
hindi naman?
Tanggapin natin, ang isa
pa sa dahilan ay hindi natin talaga natin sila maintindihan. Masyadong wirdo para sa atin ang
mga pinapakita nila sa atin. Masyadong kakaiba ang mga yon. Tandaan, iyon ay
bunga ng kanilang mga karanasan sa buhay. At iyong mga karanasang iyon ay wala
pa sa kalahat ng mga naranasan natin, kaya wala tayong karapatan na magsabing
sila ay walang alam sa mga nangyayari at hindi tayo maiintindihan o
naiintindihan. Ni wala pa sa hinagap ang mga natutunan nilang mga karanasan ang
mga nangyayari sa atin ngayon. Ang pinagkaiba lang natin sa kanila ay ang mg
bagay na mayroon tayo ngayon dulot ng mga makabagong teknolohiya. Ano ba ang
maiibibigay sa ating tulong ng mga teknolohiyang ito? Hindi gaanong malaki. Dahil
kapag nawala ang WIFI at ang kuryente hindi na din ito magagamit, pero ang mga
magulang kahit walang WIFI at kuryente, gamit na gamit. Pero mas masaya kung
sila ang kasama mo sa paggamit ng WIFI. Masyado
nga silang OA sa mga bagay bagay, pero
intindihin. Mga magulang sila, at sobrang kaligayahan ang naidudulot natin sa
kanila kapag may ginawa tayong magpapataba ng puso nila. Mga bagay na gusto
nilang makita sa atin. Korni man kung sabihin, pero ayon ang dapat. Upang magkaroon
ng mas magandang relasyon sa pamilya dapat mas malalim na pag-intindi ang
kailangan. Sa panahon ngayon, hindi na sapat ang mahal lang, ang kailangan na,
ipinapakita, ipinapadama, iniintindi at isinasaalang alang.
Ang magkaroon ng mas
magandang relasyon ang bawat pamilya ay hindi lang magiging tulong para sa
pamilya, undi pati sa komunidad. Dahil ditto magsisimula ang mga bagay-bagay,
sa pamilya. Makakatulong dito ay ang madalas na pag-uusap ng mga anak sa
kanilang mga magulang tungkol sa lahat ng bagay. Kahit and simpleng napaupo ka
sa sahig dahil sa nadulas ka o kaya naman ay naglakad pauwi ay maaring makapagpabago
ng relasyon mo sa iyong magulang. Maraming gawi, at paraan, ang kailangan lang
isang bukas na isip at puso.
Salamat po.
Talumpating requirement para sa isang asignatura na ginawa overnight na may kasamang sidetrip na panonood ng videos sa youtube at pagbabasa ng kung ano ano pang articles online at pagsusurf kaya tumagal ng overnight. salamat. Night class kasi yon kaya magandang gabi
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento